YELLOW CARD NG MGA OFW, DAPAT SAGUTIN NG POEA AT OWWA – SOLON

YELLOW CARD NG MGA OFW, DAPAT SAGUTIN NG POEA AT OWWA – SOLON

MARIING tinutulan ng isang kongresista ang paniningil ng Bureau of Quarantine (BOQ) para sa yellow card na kailangan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) bago makaalis ng bansa patungo sa bansang pagtatrabahuhan ng mga ito.

Ayon kay BHW party list Rep. Angelica Natasha Co, vice-chairman ng House Committee on Public Accounts, hindi katanggap-tanggap na kailangan pang pagbayarin ang mga OFWs ng BOQ para sa kinakailangang yellow card gayung malaking tulong ang hatid ng mga ito sa ekonomiya ng bansa.

Sa halip aniya na isingil sa mga OFWs ang bayad sa yellow card, dapat sa pondo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kuhanin ang bayad.

Tutol akong may singil o charge pa ang Bureau of Quarantine (BOQ) yellow card para sa OFWs. Sa hirap ng buhay ngayon, hindi na dapat pasanin iyan ng OFWs. Libre dapat ‘yan. POEA o OWWA ang dapat magbayad nyan at hindi dapat kaltasin sa future sweldo o remittances ng OFWs,” paliwanag pa ni Co.

“’Yan po ang hugot ko kaya ako pumirma sa House Resolution 2198 na kumukwestiyon sa P370 total charge for the BOQ yellow card,” dagdag pa nito.

Samantala, nababahala rin umano ito sa iba-ibang itsura ng  vaccine passport na inilalabas ng mga  local government units (LGUs) na posibleng madaling magaya o ma-tamper.

“I am concerned about the vaccine passports na understandably iba’t iba ang itsura bawat LGU. Walang uniform vaccination travel card o passport. Mahirap ang monitoring and implementation of privileges at madali rin itong ma-tamper o falsify,” aniya pa.

Mungkahi rin ni Co sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na tiyaking maayos ang sistema nito upang hindi mahirapan ang mga OFWs sa pakikipagtransaksyon sa mga  ito.

“Iminumungkahi ko po sa DICT na tiyakin ang stability, security, at service quality ng kanilang system. Sana naman hindi yan palaging offline, nag-hahang o madalas mag-crash sa dami ng sabay-sabay na transactions or verification requests,” sabi ni Co.

Gayundin, nanawagan ang kongresista sa DICT at Department of Foreign Affairs (DFA) na magtulungan upang ngayon palang  ay maasikaso na kung paano kikilalanin ng Immigration Department ng ibang bansa ang VaxCertPH.

Leave a Reply

%d bloggers like this: