ALAN PETER CAYETANO, IIWAN SI DUTERTE TATAWID NA KAY ISKO MORENO!

ALAN PETER CAYETANO, IIWAN SI DUTERTE TATAWID NA KAY ISKO MORENO!

DEPENDE ang magiging kaganapang ito kung tutuloy ba si Senador Bong Go sa pagtakbo sa pagka-Presidente, ka-tandem ang Pangulong Rodrigo Duterte bilang running-mate.
Matindi na kasi ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng kampo ni dating Speaker of the House Alan Peter Cayetano sa kampo ni Manila Mayor Isko Moreno na napipintong tumakbo rin sa pampanguluhan sa inaabangang Halalan 2022.
Ayon sa ating impormante, halos kasado na ang pagtawid ni Cayetano kay Isko.
Gusto raw nitong maging Senate President, sakaling kapwa sila palaring manalo sa darating na eleksiyon – si Isko bilang ika-17 Presidente ng Pilipinas, samantalang nagbabalik Senado naman ang dating Foreign Affairs secretary.
Kung si Sara Duterte ang tatakbo sa pampanguluhan, malamang agad ang pag-ober da bakod ni Cayetano. Alam naman nating lahat na hindi ‘bet’ ni Inday Sara ang pagmumukha ni Cayetano kaya nga hindi na pinayagan ang panibagong 6-month extention nito bilang Speaker of the House at ang ipinalit ay ang katukayong si Lord Allan Velasco.
Isa pa sa dahilan sa posibleng pag-ober da bakod ng mister ni Cong. Lani Cayetano ay ang napipintong pag-tandem ng Marcos-Duterte. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng tambalang Bongbong Marcos at Sara o Digong Duterte.
Si Marcos ay inupakan nang todo-todo ni Cayetano sa debate noong 2016 national elections at kahit sino sa mga nakapanood nito ay maniniwalang malalim ang sugat na ibinigay ni Alan kay BBM.
Maraming nagsasabi na magiging bagahe ni Isko si Cayetano. Pero may nagsasabi naman na malaking tulong ang limpak-limpak na salapi ng dating Speaker ng Kamara na magagamit sa kampanya.
Noong 2016, si Cayetano ang halos sumagot ng campaign ads nang tumatakbo pa sa pagka-presidente si Digong. Kaya nga ito ang unang nagalit sa ABS-CBN nang hindi inilabas ang kanilang placement ads na naging dahilan upang mapasara ito ng tuluyan ng kasalukuyang administrasyon.
Sa pagtawid ni Cayetano sa kampo ni Isko, marami ang nagtatanong. Nakahanda ba itong ibunyag ang katiwaliang bumabalot sa Duterte administration?
O mananatili itong bulag, pipi at bingi lalo’t inupuan din ng administrasyon ang ibinibintang sa kanyang P50 million halaga ng Cauldron (kaldero) na ipinatayo nito sa nagdaang 2019 Sea Games.
Sinabi noon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na masyadong maluho at magastos ang ipinatayong P50 million na halaga ng kaldero na dapat sana’y puwede nang makapagpatayo ng 50 milyong eskuwelahan o classrooms.
Ang Kaldero scam ay lumikha ng ingay mula sa hanay ng oposisyon, ngunit natabunan ito dahil na rin sa galing ng mga ‘spin doctor’ ni Cayetano.
Siyangapala, bago natin makalimutan, ang isa sa spin doctor ni Alan ay si House Deputy Secretary General Bryan Yamsuan na sagradong tao naman ni dating DILG Sec. Ronnie Puno na dekano pagdating sa halalan, lalo’t pinaratangan ito noon ng yumaong  Senadora Mirriam Defensor Santiago na henyo ng dagdag-bawas.
Ang catch lang dito, umalis na si Puno sa kampo ni Moreno dahil sa ‘trust issue.’
Eh pano ngayon ang ‘trust issue’ kung may alyansa pa rin pala sa pagitan naman ng mga tao ni Puno, Cayetano at Moreno?
Kung sabagay, iba talaga ang dynamics ng pulitika sa ‘Pinas. Normal ang baligtaran at balimbingan – trapo ka man o hindi!
Sa kabilang dako, hindi rin dapat minemenos ang koneksiyon sa pagitan nina Cayetano at Senador Manny Pacquiao na sinasabing may ugnayan sa kampo ni Moreno.
Sina Pacquiao at Moreno ay kapwa nangangarap maging presidente ng bansa. Posible rin ang alyansa ng dalawang presidentiable na ang tanong na lang kung sino ang maggi-give way sa kanila para maging vice-presidential candidate.
Si Alan, tulad ni Pacquiao ay isang Born Again Christian at hindi malayong magkaroon ng direksiyon ang ugnayan ng dalawa kung sakali.
Kaya abangan pa natin ang mga susunod na kabanata, mga ate at kuya! ####

Leave a Reply

%d bloggers like this: