NAGKULONG SA BANYO HABANG MAY SUNOG; AMA PATAY, ANAK KRITIKAL

NAGKULONG SA BANYO HABANG MAY SUNOG; AMA PATAY, ANAK KRITIKAL

NATUKLASAN na wala nang buhay ang isang ama at naghihingalo naman ang anak niyang babae sa loob ng banyo ng natupok nilang bahay na pinagmulan ng isang sunog sa Port Area, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.

Inisyal na nakilala ng nasawi na si Mastora Guimat habang isinugod sa pagamutan ang kaniyang anak na babae na si Norhara Guimat.

Sa ulat ng BFP, dakong alas-6:44 ng sumiklab ang apoy sa isang bahay na pag-aari ng pamilya Guimat sa Block 15A Baseco Compound, Port Area, Maynila na agad na itinaas sa unang alarma.

Agad na kumalat ang apoy sa 100 pang kabahayan sa lugar na pawang gawa sa light materials. Dakong alas-8:10 na ng gabi nang makontrol ang apoy at ganap na naapula dakong alas-10:31 ng gabi.

Umabot sa 43 trak ng bumbero buhat sa BFP, mga volunteers at iba’t ibang lokal na pamahalaan ang nagtulung-tulong para apulain ang apoy.

Sa mapping operation, dito nadiskubre ang mag-amang biktima na kapuwa walang malay sa loob ng banyo ng kanilang bahay. Maaaring naipit umano ng apoy ang mag-ama kaya naisipan na sa loob ng banyo magtungo kung saan may tubig ngunit napuno naman sila ng makapal na usok.

Aabot sa 194 pamilya o 672 indibidwal ang naapektuhan ng sunog at nagsilikas sa Baseco Evacuation Site kung saan sila binigyan na ng punang tulong ng lokal na pamahalan ng Maynila.

Leave a Reply

%d bloggers like this: