OPERASYON NG PMVIC SA ILANG LALAWIGAN, KINUWESTYON

OPERASYON NG PMVIC SA ILANG LALAWIGAN, KINUWESTYON

INALMAHAN ni Senadora Grace Poe ang operasyon ng ilang private motor vehicle inspection centers (PMVICs) sa ilang lugar sa bansa kasabay ng hindi makontrol na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Poe na ang operasyon ng PMVICs ay nagdudulot ng dobleng pasakit sa mga mayari ng sasakyan, mga drayber at sa mga Pilipino na pilit na bumabangon mula sa epekto ng pandemya.

“Nakarating sa ating tanggapan ang mga impormasyon na pinayagan na ang operasyon ng PMVICs sa ilang lalawigan na unang sinuspinde habang nakabinbin pa ang pag-review sa kanilang mga polisiya,” saad ni Poe.

“Ano na ang resulta ng pag-rereview? Naikunsidera ba ang mga rekomendasyon sa Senate committee report? Nagkaroon ba ang malawakang konsultasyon upang malaman ang sentimiyento ng mga apektadong sektor?” tanong ng senadora.

Iginiit ni Poe na lahat naman ay nagnanais ng ligtas na pagbiyahe subalit dapat matiyak din ang mga maayos at makataong polisiya na hindi magiging dagdag pahirap sa ating mamamayan.

“Hindi dapat maging sandata na magiging pasakit sa taumbayan ang PMVICs na biglaan na lamang papayagan ang operasyon,” diin ng senador.

“Huwag naman walang pakundangan at malasakit na biglaang ipasasalang ang sasakyan ng ating mga kababayan sa mga PMVIC sa gitna ng hagupit ng pandemya,” dagdag pa ni Poe.

Leave a Reply

%d bloggers like this: