BUWIS SA PETROLYO AT KURYENTE PATATAPYASAN NG 50% NI ISKO

BUWIS SA PETROLYO AT KURYENTE PATATAPYASAN NG 50% NI ISKO

KUNG papalarin na maging pangulo ng bansa, tatapyasan ni Manila City Mayor Isko Moreno ng 50% ang buwis sa petrolyo at elektrisidad  para bumaba ang mga gastusin ng taumbayan.
Inihayag ito ni Moreno kahapon sa pakikipagdayalogo niya kahapon sa 100 lider ng mga kooperatiba at organisasyon ng magsasaka sa Tarlac City upang mabatid ang kanilang mga problema at hinaing.
Pangunahin sa isinumbong ng mga magsasaka ang pagdagsa ng mga imported na gulay at bigas, pananamantala ng mga middle men o namamakyaw, at gastusin sa bukid.
Kung mahahalal sa 2022 Presidential elections, sinabi ni Moreno na kakaltasan niya ng 50% ang excise tax ng petrolyo para mabawasan ang gastusin sa krudo sa mga makinarya, water pump at traktora na gamit ng mqgsasaka.
Magiging dahilan ito ng pagbaba rin sa presyo ng kuryente na mayorya ay mula sa krudo.
Mas pabababain pa umano ang presyo ng elektrisidad sa plano ni Moreno na 50% tax break pa sa kuryente para makabawas sa gastusin ng mahihirap at makatipid rin ang mga lokal na industriya na magiging dahilan sa pagtaas ng produksyon.
“We cannot bring down the cost of power generation but the end-users or the consumers, can be made to pay lower electricity bills. How? Bawasan natin ang buwis sa kuryente ng 50 porsyento. Mababawasan ang kita ng gobyerno pero ang tao ang panalo dahil sa malaking pera na kanilang matitipid,” ayon kay Moreno.
“Nangangahulugan ito ng malaking tipid sa mayorya ng populasyon na ngayon ay maraming walang trabaho dahil sa pandemya,” dagdag pa niya.
Bukod dito, diretso na ang benepisyo sa taumbayan na maaaring hindi na mangailangan ng ayuda na ibinubulsa lamang umano ng kasalukuyang mga tao sa gobyerno.
“Sa pagbaba ng petrolyo at kuryente, mas maraming pagkain sa mesa ang maihahain ng taumbayan,  magkakaroon ng pambili ng pangunahing pangangailangan, pati na rin ang gamot,” dagdag pa ng alkalde.

Leave a Reply

%d bloggers like this: