CHILDREN VACCINATION SA CALOOCAN; ANAK NG MEDIAMEN UNANG SUMALANG

CHILDREN VACCINATION SA CALOOCAN; ANAK NG MEDIAMEN UNANG SUMALANG

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Caloocan ang unang araw ng pagbabakuna para sa mga kabataang edad 12-anyos hanggang 17-taong gulang na may comorbidity o karamdaman o tinatawag na Pediatric A3 priority group.

Personal na ininspeksyon si Mayor Oca Malapitan ang pagbabakuna sa Caloocan City Medical Center (CCMC) at Caloocan City North Medical Center (CCNMC) para magbakuna ng Pfizer vaccine sa nasabing age group kung saan 200 slot ang inilaan.

Unang nabakunahan si Dan Alfred Garcia, 17-anyos, isang Grade 12 student, at anak ng mag-asawang mamamahayag.

Kasama ang magulang o guardian, ang bawat binabakunahan ay tinitiyak na sumasailalim sa registration, screening, counselling, vaccination at monitoring.

Pinayagan din ang walk-in para sa nasabing age group hanggang alas-dos ng hapon basta’t siguraduhin lamang na kumpleto na ang requirements.

Para sa mga magulang ng mga kabataang babakunahan, siguraduhing kumpleto ang mga sumusunod na dokumento para sa pagbabakuna tulad ng 1. Medical certificate ng babakunahan 2. Dokumentong magpapatunay ng relasyon ng magulang/guardian at ng babakunahan tulad ng birth certificate; 3. Valid ID ng babakunahan at ng magulang o guardian.

Patuloy naman hinihikayat ni Mayor Oca ang mga magulang o guardian na pabakunahan ang mga anak na kabilang sa Pediatric A3 upang magkaroon ng mabisang proteksyon laban sa malalang epekto ng COVID-19 virus.

“Sa mga magulang at guardian na kasama natin ngayong araw, maraming salamat sa pagtitiwala sa bakuna. Sa ibang magulang na may agam-agam pa, makinig po tayo sa mga doktor at eksperto nang sa gayon ay matapos na ang pandemyang ito. Ang bakuna po ay ligtas at napatunayang mabisa laban sa sakit na ito,” pahayag ng punong-lungsod.

 

Photo c/o Caloocan PIO

Leave a Reply

%d bloggers like this: