SMUGGLING NG LUXURY VEHICLES NG MGA SHOWROOM, NABUKO

SMUGGLING NG LUXURY VEHICLES NG MGA SHOWROOM, NABUKO

NABUKO ang modus sa smuggling ng ilang showrooms makaraang aabot sa P500 milyong halaga ng mga luxury vehicles ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa ikinasang inspeksyon sa ilang showrooms sa Quezon City at Pampanga nitong nakaraang Huwebes.

Nabatid na isang intelligence report ang nakarating sa BOC ukol sa presensya ng mga smuggled luxury cars na nakaimbak sa mga shorwooms dahilan para maglabas si BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ng Letter of Authority (LOA) para inspeksyunin ang mga pasilidad.

Dito nagkasa ng magkasanib na operasyon ang BOC-Manila International Container Port, National Bureau of Investigation, at Philippine Coast Guard sa mga showrooms sa Xavierville, Quezon City at San Simon, Pampanga.

Nadiskubre ang ilang mga luxury cars tulad ng Lamborghini at Ferrari, Ducati bigbikes, mga bulletproof na SUVs, customized sports cars, trak, bangka at iba pa. Lahat umano ng mga behikulo ay walang kaukulang importation documents.

Sa oras na mabigo na maipakita nang tuluyan ang mga importation documents sa loob ng 15 araw, kukumpiskahin na ng BOC ang mga luxury vehicles sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Law (CMTA).

Leave a Reply

%d bloggers like this: