‘DI BAKUNADO EMPLEYADO ‘DI  MASISIBAK; PERO WALANG SUWELDO

‘DI BAKUNADO EMPLEYADO ‘DI MASISIBAK; PERO WALANG SUWELDO

HINDI nga maaaring sibakin ang isang empleyado na hindi pa bakuna pero puwede naman sila na hindi na papasukin pansamantala at hindi sasahod, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa ilalim ng Inter-agency Task Force (IATF) resolution, ang mga restoran at katulad na establisimiyento na nasa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ay kailangan na bakunado ang kanilang mga tauhan para makapagbukas.

Ngunit may eksempsyon umano sa polisiyang ito. Nilinaw niya na hindi nangangahulugan na tatanggalin sa trabaho ang empleyadong hindi bakunado o ayaw magpabakuna ngunit maaaring pagsabihan sila ng employer na huwag na munang mag-report sa trabaho hanggang hindi nababakunahan.

“So iyon di mo siya iteterminate, you can only tell him not to report and then this will result doon sa sinasabi mo na no vaccine no pay dahil kapag di pumasok, no work no pay,” ayon kay Bello.

Sa kabila na hindi pumapasok at hindi tumatanggap ng sahod, mananatili pa rin naman ang istatus ng hindi bakunadong empleyado. Hindi umano maituturing na bayolasyon ito sa labor rights dahil sa may kaugnay na IATF resolution ukol dito.

Hindi naman umano magtatagal ang ‘floating status’ na ito lalo na kapag naibaba na ang kasalukuyang alert level sa Metro Manila. Kapag bumaba na ang alert level sa mga susunod na linggo, mas maraming establisimiyento na ang maaaring makapag-operate at mas maraming trabaho na ang mapupunan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: