PRO3 DIRECTOR VAL DE LEON, MANOK NI MAYOR INDAY SARA BILANG CPNP

PRO3 DIRECTOR VAL DE LEON, MANOK NI MAYOR INDAY SARA BILANG CPNP

WALA nang isang buwan ay mamamaalam na rin sa serbisyo ang isa sa pinakasikat na hepe ng Pambansang Pulisya na si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar.

At habang nalalapit ang kanyang retirement sa Nobyembre 13, painit naman ng painit ang usap-usapan kung sino ang papalit sa kanya.

Isa sa maugong ngayon ay si Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Val de Leon na personal na manok umano ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Unang nakilala ni Inday Sara si De Leon noong Deputy Director for Operations pa lamang ang heneral ng Police Regional Office 11.

Ang ranggo noon ni Val ay colonel at bilang dati ring hepe ng Davao City Police Office at Davao Oriental Police Provincial Office, si De Leon ang nanguna sa binuong Special Investigation Task Group sa naganap na pagsabog sa night market sa lungsod noong Setyembre 2, 2016 na ikinasawi ng 15 katao at 69 iba pa ang nasugatan.

Napahanga ni de Leon ang publiko sa masusing imbestigasyon na pinangunahan niya mismo.

Dahil sa husay ding pagharap ng matitibay na ebidensiya, 11 suspect na miyembro ng terrorist group na Maute Group ang hinatulan ng Taguig Regional Trial Court na guilty sa kasong multiple murder at multiple attempted murder.

Si De Leon ay miyembro ng Makatao Class of 1989 ng Philippine Military Academy (PMA).

Kaklase nito ang kapwa contender sa pagka-CPNP na sina PNP Deputy Director for Operations, Maj. Gen. Rhodel Sermonia at CIDG chief, Brig. Gen. Albert Ferro.

Isa pang umuugong na papalit kay Eleazar si NRCPO chief Brig. Gen. Vicente Danao na miyembro naman PMA Sambisig Class of 1991.

Pero hindi maikakaila ang galing ni de Leon matapos hirangin ang PRO3 na kanyang pinamumunuan bilang Best Police Regional Office sa buong Pilipinas dahil na rin sa hindi matawarang accomplishments ng heneral na dati ring aide-de-camp ni retired CIDG chief at ngayo’y Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Ilan pa sa pinakamalaking accomplishments ng grupo ni De Leon ay nang mapatay ang apat na Chinese drug lords sa Zambales at narekober ang mahigit 500 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.5 billion.

Nagkaroon rin ng magkakasundo na pagsalakay sa Bataan, Cavite at ilang kalapit na lalawigan.

Katuwang ng PRO3 sa operasyong ito ang National Intelligene and Coordinating Agency at Philippine Drug Enforcement Agency na dahilan din upang personal silang papurihan ni Eleazar.

Si De Leon ang kauna-unahang naging heneral sa kanyang batch at kahit noong police major pa lamang ay nahirang na rin ang grupong pinamumunuan nito na Best Regional Mobile Group of the Year noong 2006 at mismong si Pangulong Gloria Arroyo pa ang nagbigay parangal sa kanya.

Taong 2016, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang sumaksi nang hirangin naman si De Leon biang Best Senior Police Commissioned Officer of the Year for Administration.

Tumanggap din ito ng Gold Award mula sa Presidential Anti-Corruption Commission dahil sa ginawang online at ‘no contact policy’ sa lahat ng nais mag-apply ng lisensiya ng baril.

Layun ng programang ito na masawata ang red tape at corruption sa mga transaction sa PNP Firearms and Explosives Office.

Sa mga nailatag na accomplishment na ito ni De Leon, hindi nakapagtatakang nais siya ng Presidential daughter na mamuno sa Pambansang Pulisya.

Hindi madali ang magiging papel ng susunod na chief PNP dahil agad na bubungad na hamon sa kanya ay ang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng 2022 Elections.

Kaya naman, dapat lamang na isang lider na susundin ng lahat ng pulis ang dapat na maitalaga sa pinakamataas na posisyon sa PNP, hindi lamang dahil takot sa kanya ang mga tauhan kundi dahil sa respeto at paghanga sa kanyang kagalingan.

Good luck, Gen. De Leon!

Leave a Reply

%d bloggers like this: