KABABALAGHAN, USO PA BA?

KABABALAGHAN, USO PA BA?

USO pa ba ang mga kababalaghan sa kasalukuyang panahon na sumasapit ang Undas at sinasabing sa mga panahong ito ay nagpaparamdam  ang mga ligaw na kaluluwa?

Ang katanungang ito ay madalas na mamutawi sa bibig ng mga naniniwala na mayroong mga kaluluwa ang lumalabas at nagpaparamdam sa tuwing sumasapit ang panahon ng All Saint’s Day at All Soul’s Day taun-taon.

Madalas ay natatakot ang sinumang nakakaranas ng kakaibang pakiramdam sa mga nagpapakita at nagpaparamdam ng kaluluwa habang may mangila-ngilan naman ang naglalakas-loob ding harapin ito sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Iba’t ibang kuwento ang nababasa at naririnig natin kaugnay ng mga nagkalat na multo na naranasan ng sino pa man na patuloy na naaalala sa tuwi-tuwina.

Sa ilang lugar sa Metro Manila ay may lugar na kinatatayuan ng isang makalumang bahay na sinasabing pinamamahayan ng iba’t ibang kaluluwa at kakaibang nilalang.

Kapre sa puno.

            Sa tuwing lumalapit ang araw ng Nobyebre 1 at kabilugan ng buwan ay nagpapakita umano ang isang kapre na nakatira at nagtatago sa isang malaking puno ng mangga sa Bgy. Pinyahan, Lungsod Quezon.

            Sa panayam sa magpinsang sina Gario at Jovy, nakatira sa nasabing bahay sa panulukan ng Mapagmahal St., at Makisig St. ay makailang beses na napatunayan na may nagkalat na ilang kakaibang nilalang.

            Sinabi ni Gario na makailang beses umano nito nakita ang nasabing kapre na nakatayo sa ibabaw ng puno ng mangga kung kaya’t pilit nitong iniiwasan na mapalapit dito.

            Sa kabila ng hindi naman umano nananakit ang nasabing kapre ay minsan na rin itong nagbigay ng parusa.

Nabatid na pinakahuling nagparamdam ang kapre sa dalawang tao na minsang nagbiro na maglabas ng tawag ng kalikasan sa ilalim ng puno ng mangga.

            Sinasabing matapos ang isang araw ay pawang nakaramdam ng pangangati sa ari ang nasabing dalawang tao na kinabibilangan ng isang lalaki at babae na hinihinalang parusa ng nasabing kapre.

            Lalong tumibay na parusa ang ibinigay ng nasabing kapre sa dalawang tao nang maging ang mga doktor ay walang nakitang anumang dahilan ng pagkakaroon ng mga ito ng pangangati sa maselang bahagi ng katawan.

            Dahilan nito ay nag-alay na lamang ang mga ito sa nasabing kapre kung saan kasabay nito ay nawalang para bula ang nararamdaman ng mga itong pangangati.

Kaluluwa ng lola nagpapakita sa paboritong apo

 

Sa nasabi ring lugar ay isang matandang babae ang sinasabing makailang beses na nagpakita at minsan na ring nagpahawak umano sa apo nito.

            Nabatid na minsang sa isang malalim na gabi habang nasa kasarapan ng pagtulog si Liezel, dalaga, ay dinalaw ito ng namayapang lola.

            Sinasabing nagising si Liezel sa pagtawag ng kanyang lola at tulad ng nakasanayan nang ipagawa noong ito ay nabubuhay pa ay nagpahilot ng namamagang mga paa.

            Sa kabila ng alam na nito na namayapa ang kanyang lola at dahil sa pagmamahal dito ay hindi nakitaan ng takot si Liezel kung saan nagawa pa umano nitong hilutin ang mga paa ng lola nito.

            Hindi umano isang beses na nangyari ang pagpapakita at pagpaparamdam ng nasabing matandang babae kung saan madalas din umano itong maramdamang naglalakad sa sala ng nasabing lumang bahay at may hinihilang bangko.

 

White lady at nakaitim na lalaki gumagala

 

Nagpakita at nagparamdam din kina Gario, Jovy, at Liezel ang isang babaeng nakasuot ng puting damit at isang lalaki na nakasuot naman ng itim na damit na gumagala sa loob ng nasabing bahay.

            Pawang takot ang nararamdaman ng mga ito sa tuwing pagsapit ng gabi ay nagpapakita umano ang nasabing mga kakaibang nilalang kung saan makailang beses ang mga itong nananakot sa mga nakatira sa nasabing bahay.

            Minsan na rin umanong nagpatunay na mayroong gumagalang itim na lalaki nang lumapit ito sa isang kasambahay na si Ariel na dahil sa labis na pagkabigla at pagkatakot ay kumaripas ng takbo papalayo.

            Sinasabing abala sa pagsasampay ng nilabhang damit si Ariel nang maramdaman nito ang malamig na hangin at kasabay ay nagpakita ang nasabing itim na lalaki na ang mukha ay nababalutan umano ng mga buhok sa buong mukha.

3 puting duwende

  

Kakaiba naman ang naranasan ng ilan pang kasambahay sa pagitan ng tatlong puting duwende na nakita umano na masayang naglalaro sa likod-bahay.

            Isinalarawan ang nasabing mga duwende na pawang nababalutan ng puting mga damit at maikot-ikot lamang umano sa nasabing likod-bahay na napapaligiran ng mga damo.

            At dahil sa walang ipinakikitang masama ang nasabing mga duwende ay naging pamahiin ng mga nakatira sa nasabing bahay na magbigay galang sa mga ito upang hindi maabala sa ginagawang paglalaro.

            Sa kuwento ng mga matatanda ay madalas na marinig natin na ang nasabing mga puting duwende ay pawang mga mababait hindi katulad ng mga maiitim na duwende.

            Maging ang mga espesyalista sa paranormal ay kumbinsido na ang nasabing mga duwende ay may kanya-kanyang imahe na ipinakikita sa mga tao kung saan labis na paghanga naman ang higit na natatanggap ng mga puting duwende.

Kathang-isip man o totoo ang nasabing mga kuwento ay nasa sarili na ng bawat tao ang paniniwala subalit base sa mga pahayag ng mga nakausap naming buhay na ebidensya ay patunay lamang na nasa paligid at kahalubilo nating lahat ang mga ito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: