KONTRATA SA COMELEC IBINIGAY SA CAMPAIGN DONOR NI DUTERTE

KONTRATA SA COMELEC IBINIGAY SA CAMPAIGN DONOR NI DUTERTE

SA KABILA ng mga protesta, itinuloy at inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbibigay ng P535.99-milyong kontrata sa F2 Logistics na sinasabing may koneksyon kay Dennis Uy, para sa distribusyon ng mga balota, vote-counting machines at iba pang gamit para sa 2022 elections.

Pinirmahan ni Comelec Commissioner Sheriff Abas at ni F2 Logistics president Efren Uy ang kontrata nitong Oktubre 29 at nai-post sa website ng Comelec.

Sa 32-pahinang kasunduan, obligasyon ng F2 Logistics ang paghahatid at pagbabalik ng mga elections equipments at paraphernalia. Kabilang dito ang mga balota, vote-counting machines, ballot boxes, voters lists, generator sets, battery packs at iba pa.

Ibinigay ang kontrata sa F2 Logistics sa kabila ng pagkuwestiyon ng iba’t ibang sektor dahil sa koneksyon ng kumpanya kay Dennis Uy, kilalang nagbigay ng campaign donation noon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Dinaig ng F2 ang ibang logistics company kabilang ang LBC Express, 2Go Express, at Airspeed International.

Nakatala ang F2 Logistcis na isang subsidiary ng Udenna Management and Resources Corp. na nasa ilalim ng Udenna Corporation kung saan chairman at CEO si Uy.

Una namang iginiit ng Comelec na ang pagbibigay ng donasyon ng isang kumpanya sa isang kandidato ay hindi dahilan para sa diskuwalipikasyon para sa isang proyekto ng pamahalaan.

Samantala, nanawagan ang grupong Kontra DAya sa Comelec na kanselahin ang kontrata. Iginiit ng grupo na hindi na umano ito usapin ng legalidad ngunit usapin ng kung ano ang tama sa mali. Kinuwestiyon rin nila ang ‘conflict of interest’ ng kumpanya sa darating na halalan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: