GEN. DE LEON, FROM CSG TO CHIEF PNP?

GEN. DE LEON, FROM CSG TO CHIEF PNP?

MUla sa Civil Security Group aakyat sa pagiging hepe ng Pambansang Puliyas.
Ganito ang hiling ng mga tagasuporta ni Police Gen. Valeriano ‘Val’ de Leon na bagong talaga bilang acting director ng Civil Security Group (CSG).
Nitong Nobyembre 1 ay inilipat si De Leon sa Camp Crame matapos siyang palitan ni Brig. Gen. Matthew Baccay bilang bagong director ng Police Regional Office (PRO) 3.
Kasama ni De Leon na naapektuhan sa pinakabagong balasahan sa PNP sina Brig. Gen. Orlando Yebra bilang bagong hepe ng Eastern Police District (EPD) at Police Colonel Rolando Destura bilang acting Executive Officer ng Directorate for Information and Communication Technology Management.
Kung matatandaan, isa si De Leon sa maugong na itatalaga bilang Top Cop ng bansa dahil si PNP chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar ay magreretiro naman sa darating na Nobyembre 13.
Katunggali ni De Leon sa CPNP post ang mga mistah nito sa Makatao Class of 1989 ng Philippine Military Academy (PMA) na sina PNP Deputy Director for Operations Maj. Gen. Rhodel Sermonia at CIDG chief Brig. Gen. Albert Ferro. Isa rin sa mahigpit nilang katunggali si NCRPO chief Brig. Gen. Vicente Danao na miyembro naman PMA Sambisig Class of 1991.
May kanya-kanyang padrino ang mga nabanggit na opisyal. Si Sermonia ay manok umano ni Senador Bong Go; si Gen. Ferro ay manok umano ni Pastor Apollo Quiboloy at dating PNP chief Debold Sinas; si Danao ay personal na kilala ng Pangulong Duterte at si De Leon ay paboritong opisyal naman ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa mga nabanggit, si De Leon ang napupusuan umano ng nakararaming miyembro ng pulisya dahil likas ang pagiging mabait nito, matikas, masipag at magaling sa trabaho.
Unang nakilala ni Inday Sara si De Leon noong Deputy Director for Operations pa lamang ito ng Police Regional Office 11. Ang ranggo noon ni Val ay colonel pa lamang at bilang dati ring hepe ng Davao City Police Office at Davao Oriental Police Provincial Office, si De Leon ang nanguna sa binuong Special Investigation Task Group nang pasabugin ang night market sa lungsod noong Setyembre 2, 2016 kung saan ay 15 katao ang namatay at 69 iba pa ang nasugatan.
Sa husay na pagharap ng matitibay na ebidensiya, 11 suspect na  miyembro ng terrorist group na Maute Group ang nahatulang guilty ng Taguig Regional Trial Court sa maramihang pagpatay at at multiple attempted murder.
Ang PRO3 rin na pinamumunuan ni De Leon ang tumanggap kamakailan ng Best Police Regional Office sa buong Pilipinas dahil sa hindi matawarang accomplishments ng heneral,  kabilang ang pagkakapatay sa apat na Chinese drug lords Zambales kung saan ay nakarekober ang mga awtoridad ng mahigit 500 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.5 billion.
Sa kanilang batch, si De Leon ang kauna-unahang naging heneral sa kanyang batch at kahit noong police major pa lamang ito ay nahirang na rin ang grupong pinamumunuan nito na Best Regional Mobile Group of the Year noong 2006 kung saan ay mismong ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pa ang nagbigay parangal sa kanya.
Taong 2016 ay mismong ang Pangulong Duterte ang sumaksi nang hirangin naman si De Leon biang Best Senior Police Commissioned Officer of the Year for Administration. Tumanggap din ito ng Gold Award mula sa Presidential Anti-Corruption Commission dahil sa ginawang online at ‘no contact policy’ sa lahat ng nais mag-apply ng lisensiya ng baril. Sinasabing ito rin ang dahilan upang masawata ang red tape at corruption sa mga transaction sa PNP Firearms and Explosives Office.
Naniniwala ang mga taga-PRO3 at mga pulis mula sa PNP-FEO na kung mamarapatin, hindi malayong mula pinuno ng CSG ay ito na ang magiging susunod na PNP chief.

Leave a Reply

%d bloggers like this: