EXCISE TAX SA PRODUKTONG PETROLYO, PINASUSUPINDE NI POE

EXCISE TAX SA PRODUKTONG PETROLYO, PINASUSUPINDE NI POE

Inihain ni Sen. Grace Poe ang Senate Bill 2445 na naglalayong suspindihin ang koleksyon ng excise taxes sa gasolina at diesel kung aabot ang average price ng Dubai crude oil sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.

Kung maisasagawa ito, bababa agad ng P10 ang presyo kada litro ng gasolina at P6 kada litro ng diesel.

“Tiyak na magkakaroon ng epekto ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa halaga ng ilang mga produkto, lalo na sa pagkain na siyang pinakamalaking pinagkakagastusan ng isang pamilya. Lalo lamang nitong palalalain ang kahirapan at gutom ng ating mga kababayan. Kung hindi kayang magbigay ng pamahalaan ng sapat na ayuda sa mga mamamayan, magawa man lang nitong ibsan ang kanilang kalbaryo,” giit ni Poe.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority nitong nakaraang linggo, bagaman bumagsak ang food inflation sa 5.3 porsyento nitong Oktubre, tumaas naman ang fuel inflation ng 32.9 porsyento mula sa 21.3 porsyento noong Setyembre na isa sa pinakamataas na naiulat ngayong taon.

Sa ilalim ng panukala ni Poe, isinusulong ang pag-amyenda sa section 148 ng National Internal Revenue Code sa pagsuspinde sa excise taxes sa mga regular na gasolina, unleaded premium gasoline at diesel.

Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law  na pinapayagan ang suspensyon ng nakaiskedyul na pagtaas ng excise tax sa petrolyo kapag pumalo ang tatlong buwang average ng Dubai crude oil prices na base sa Mean of Platts Singapore sa $80 kada bariles o higit pa. Ngunit ang suspensyon ay para lamang sa taong 2018 hanggang 2020.

Nakapaloob din sa TRAIN law na kailangan ng Department of Finance (DOF) na magsagawa ng taunang pag-aaral sa implementasyon ng excise tax sa petrolyo base sa pagtaya at rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee ngunit kailangan din na ang suspensyon ay hindi magresulta sa pagkaltas sa excise tax na ipinatutupad sa naturang panahon.

Ayon sa DOF, maaaring mawalan ang pamahalaan ng P131 bilyon sa suspensyon ng excise tax sa gasolina at diesel, P24.7 bilyon ang kumakatawan sa mawawalang kita sa buwis at P106.7 bilyon naman sa incremental revenues.

Isinulong ng administrasyon ang pagpapababa sa income taxes ng mga kumpanya sa ilalim ng CREATE law, kung saan tinatayang ang mawawalang kita ay aabot sa P251 bilyon sa unang dalawang taon.

“Kung kaya ng pamahalaang mawalan ng P251 bilyon para sa mga malalaking kumpanya, bakit hindi ito kayang gawin para sa mga jeepney driver, delivery rider, at iba pa na kailangang pumasok sa trabaho at napupuwersang magdala ng sariling sasakyan dahil hindi sapat ang pampublikong transportasyon?” tanong ni Poe.

Leave a Reply

%d bloggers like this: