UTOS NG MALAKANYANG SINUWAY NI ISKO, PAGTATANGGAL SA FACE SHIELD TULOY

UTOS NG MALAKANYANG SINUWAY NI ISKO, PAGTATANGGAL SA FACE SHIELD TULOY

SINUWAY ni Manila City Mayor Isko Moreno ang utos ng Malacanang na huwag ituloy ang pagtanggal sa paggamit ng face shield nang isakatuparan pa rin niya ang kaniyang Executive Order na gawing hindi na mandatory ito habang nasa loob ng Maynila.

Sa ilalim ng Executive Order no. 42, hindi na kailangang gumamit ng face shield ang mga residente ng Maynila at mga magtutungo sa lungsod sa labas ng bahay at sa loob ng mga establisimiyento maliban sa loob ng mga pagamutan, medical clinics at iba pang medikal na pasilidad.

“Hindi na po mandatory, wala na po kayong gastos mga kababayan ko, basta sa Maynila hindi na po mandatory ang faceshield,” ayon kay Moreno.

“Only sa mga ating medical facility na lamang. Para mawalan na kayo ng alalahanin, gastusin, makakahinga na kayo ng normal except magma-mask pa din kayo ha yung mask is, mask is a must. Kailangan pa rin natin mag-mask kahit tayo’y bakunado,” paliwanag pa ng alkalde.

Inilabas ni Moreno ang kautusan makaraan ang pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila base sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for Managing Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Binalaan naman ni Presidential spokesperson Harry Roque ang mga lokal na pamahalaan na magtatanggal sa paggamit ng face shield.  Bukod sa Maynila, kasama rin dito ang Davao City na pinamumunuan ni Mayor Sara Duterte at ang Iloilo City.

Una nang iginiit ni Moreno sa nasyunal na pamahalaan na sa halip na bumili ng face shields, mas dapat unahin ng gobyerno ang pagbili ng gamot kontra COVID-19 lalo na ang Tocilizumab at Remdesivir.

Leave a Reply

%d bloggers like this: