PANGAKONG 200MBPS INTERNET SPEED, DAPAT TUPARIN NG DICT- SEN. POE

PANGAKONG 200MBPS INTERNET SPEED, DAPAT TUPARIN NG DICT- SEN. POE

SISINGILIN ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pangako na 200Mbps internet speed makaraang dagdagan nila ang budget nito para sa 2022.

“Inaasahan natin na sa Pebrero 2022, aktuwal na mararamdaman na natin ang 200MBPS speed na ipinangako ng gobyerno,” ayon kay Poe sa kaniyang interpolasyon sa panukalang pondo ng DICT.

Sa kaniyang interpolasyon kay Sen. Ronald dela Rosa, ang plenary sponsor sa panukalang pondo ng DICT para sa 2022, nabatid na ang Phase 1 ng programa ay inaasahan na gumulong na sa Pebrero sa susund na taon. Ang programa ay meron umanong tatlong bahagi.

Palalakasin nito ang internet speed sa mga tanggapan ng pamahalaan sa 200Mbps sa National Capital Region, Region 1, Region 3 at mga bahagi ng Region 2.

Ang kasalukuyang average fixed broadband download speed ay nasa 70Mbps at 33Mbps para naman sa mobile downloads.

“Pinupuri naman ang pagsisikap ng ahensya at tingin ko pinatataas na rin ng mga telcos ang pagpapabuti na dapat gawin lalo na at alam nila na marami ngayon ang nagtatrabaho sa loob ng kanilang mga bahay,” ayon kay Poe.

Isinusulong rin ni Poe ang probisyon para sa libreng WiFi connections sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para matugunan ang pangangailangan sa koneksyon ng mga estudyante at guro.

Ayon sa DICT, aabot na sa 1,832 ang mga live sites sa mga SUCs at Technical Education and Skills Development Authority institutions, habang nasa 9,586 ang live sites na nailalagay sa mga pampublikong lugar.

Mayroon na ring 2,989 sites sa mga pampublikong ospital, medical centers, rural health units, quarantine facilities at vaccination centers.

Si Poe ang may-akda ng Republic Act 11311 o ang Better Terminals law, na naggigiit sa libreng internet services at malinis na pasilidad para sa mga mananakay sa mga transportation terminals.

Inaprubahan ng Department of Budget and Management ang nasa P6.47-bilyong pondo ng DICT para sa 2022. Pinadagdagan pa ito ng Senado sa kanilang bersyon ng appropriations bill para itaas sa P9.5 bilyon.

“Dahil sa financial muscle ng Kongreso, umaasa tayo na pabibilisin ng DICT ang pagkumpleto sa broadband program. Labis na makakatulong ngayong pandemya ang mabilis, maaasahan, at murang internet na aabot sa mga unserved at underdeserved na mga lugar. Nagtitiwala kami na magagawa ng DICT ang naturang landmark task,” ayon pa kay Poe.

Leave a Reply

%d bloggers like this: