SAKLOLO LTO CHIEF, ASEC. EDGAR GALVANTE!

SAKLOLO LTO CHIEF, ASEC. EDGAR GALVANTE!

LUMAPIT sa atin ang mag-asawang negosyante sa Makati City.

Inirereklamo nila ang Smart Driving School sa Evangelista Street, Bgy. Bangkal, ng nasabing lungsod.

                Pakiramdam kasi ng mag-asawa ay para silang na-budol sa ginawang pag-enroll ng kanilang anak at pamangkin para lamang mag-aral ng practical driving.

Nabatid na June 6, 2021 pa nang magbayad at mag-apply ang anak ng mag-asawang negosyante na isang medical student sa De La Salle University. Kasama nitong nag-enroll ang pinsan na isa namang registered psychologist sa isang hospital sa General Trias, Cavite.

May resibo ang kanilang pag-enroll  bilang patunay na nagbayad sila ng P22,000 o tig-P11,000 ang enrollment fee ng magpinsang babae.

‘Yung anak ng mag-asawang negosyante ay nakadalawang ‘session’ lamang, habang ang pinsan nito ay nakaisang session lamang.

Nakasaad sa kasunduan nila sa Smart Driving School na dapat ay masulit nila ang 11 oras na pag-aaral sa pagmamaneho, base sa halaga ng kanilang binayaran.

Pero matapos ang isa hanggang dalawang sesyon ng mag-pinsang dalaga ay hindi na sila tinawagan o binigyan uli ng ‘schedule’ para sa ‘practical driving class.’

Eto ang catch, Asec. Galvante, nang magpunta ang mga magulang ng dalaga sa Smart Driving School, tinanong daw sila ng isang suplada at aroganteng tao sa kanilang reception kung kanino sila nagbayad.

Ipinakita ng mag-asawa ang dala nilang dalawang Original Receipt na may OR number 11349 at OR number 1341.

Pirmado ito ng isang nagngangalang Dannah C. na may mobile number 0926-883899.

Sabi ng antipatikang babae sa Smart Driving na wala raw Dannah sa kanilang opisina at tinanong pa ang mag-asawa kung ano ang hitsura nito.

“Bakit kami ang tatanungin kung ano ang hitsura ni Dannah? Tao nila iyon. May dala kaming resibo. Ano ‘to, na-estafa kami?’ sabi ng tatay ng medical student na nakiusap huwag banggitin ang pangalan.

Sinabi ng negosyante na hindi nila alam kung kanino na sila lalapit para humingi ng tulong dahil malaking abala ito para sa kanila, lalo na sa anak nilang estudyante na dapat sana sa mga oras na ito ay marunong at legal nang nakakapagmaneho sa kalsada.

Sa puntong ito, gusto ko pong tawagan ng pansin sina Asec. Galvante at LTO-NCR  West Director Atty. Clarence V. Guinto.

Mga sirs, baka po puwede nyong tulungan ang sumbong ng mag-asawa.

Hindi maganda na ngayong unti-unti nating binabangon ang ekonomya, likha ng pandemic, ay may ganitong uri ng establisimiyento na katulad ng Smart Driving School ay hindi marunong tumupad ng tungkulin at obligasyon sa kanilang parokyano.

June pa naka-enroll ang dalawang dalaga at lagpas kalahati na tayo ngayon ng November. Wala na ngang malinaw na pahayag kung kailan magkakaroon ng ‘schedule’ sa klase ang dalawang biktima ay parang itinatanggi pa nila na may tauhan silang nagngangalang Dannah na nag-isyu mismo ng dalawang original na resibo.

Ang dapat sa Smart Driving School na ito ay maturuan ng leksiyon o kundi naman ay ipasara agad-agad nang hindi na makapambiktima pa ng iba!

Leave a Reply

%d bloggers like this: