DOH, PINAGPAPALIWANAG SA REKLAMONG ‘UNPAID ALLOWANCES’ NG MEDICAL FRONTLINERS

DOH, PINAGPAPALIWANAG SA REKLAMONG ‘UNPAID ALLOWANCES’ NG MEDICAL FRONTLINERS

Hinihingan ng paliwanag ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang Department of Health (DOH) tungkol sa bagong hinaing ng mga medical frontliners na marami pa rin sa kanila ang hindi natatanggap ang COVID-19 allowances and benefits na nakatadhana na para sa kanila sa ilalim ng batas.

Simula noong nakaraang taon, ang mga health workers na nagserbisyo sa pag-uumpisa ng pandemya ay nagrereklamo dahil hindi pa naibibigay sa kanila ang kanilang mga allowance kahit na may pondo naman at may utos na si Pangulong Rodrigo Duterte sa DOH noong Agosto na bayaran na ang mga benepisyo ng mga medical frontliners.

Gayunpaman, muling lumutang ang isyu ng unpaid allowances nang magprotesta noong isang araw ang Alliance of Health Workers (AWH) na kinabibilangan ng mga frontliners sa mga ospital ng gobyerno.

“Kailan kaya mababayaran ng DOH ang mga allowances ng health workers? Noong isang taon, ito ang hinaing nila, matatapos na ang taong kasalukuyan, ganito pa rin ang hinaing nila,” ani Escudero.

“Once and for all, tapusin na dapat ng DOH ang pagkakautang nito sa mga frontliners at bayaran sila ng wasto at sakto. Mas maganda rin na ilatag ng DOH kung magkano na talaga ang naibayad at magkano ang dapat pang bayaran in the spirit of transparency,” dagdag niya.

Ayon kay Cristy Donguines, ang presidente of Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-AHW, 30% lang ng kanilang meal, accomodation and transportation allowances simula Setyembre hanggang Disyembre 2020 ang nakukuha ng mga health worker sa mga ospital na hawak ng DOH habang “nananatiling nasa DOH pa rin ang 70% nito.”

Nasa parehong sitwasyon maging ang mga frontliners na nasa ospital na pribado at ng lokal na pamahalaan, dagdag ni Donguines kahit na umapela na sila noong nakaraang Agosto.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 Law, nasa P13.5 bilyon ang nakalaan para sa mga allowance at benepisyo ng hospital workers, mapa-publiko man o pribado.

“Pasayahin naman natin ang Pasko ng ating mga frontliners bilang pagtanaw ng utang loob sa kanilang mga sakripisyo noon at sa darating pang panahon,” ani Escudero.

“Hindi naman pwedeng puro papogi na lang ang DOH sa harap ng TV at kay PRRD. Sabayan din sana ng DOH ito na tamang serbisyo at pagtugon sa mga pangagailangan ng ating mga health workers na dapat at sapat,” dagdag niya. #

Leave a Reply

%d bloggers like this: