KAWALAN NG INTERNET ACCESS, MALAKING HADLANG SA DISTANCE LEARNING

KAWALAN NG INTERNET ACCESS, MALAKING HADLANG SA DISTANCE LEARNING

HINIMOK ni dating Senador at ngayo’y Sorsogon Governor Francis ‘Chiz’ Escudero ang gobyerno na agad nang tugunan ang problema sa kawalan ng internet access o connectivity sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil ito ang nagsisilbing balakid sa pagkatututo ng mga estudyante ngayong panahon ng pandemya.

Aminado si Escudero na nababahala siya na dahil sa kawalan ng internet access, apektado ang edukasyon ng mga batang Pilipino.

Kasunod ito ng ulat ng World Bank na siyam sa 10 estudyante sa bansa ang hindi nakakabasa.

Tinukoy pa ni Escudero ang learning poverty ng bansa na tumaas sa 90 percent noong Agosto 2021 mula sa 69.5 percent bago ang pandemya.

Lumitaw din sa report ng World Bank na 20 percent lang ng households na may estudyante ang nasasaklaw ng distance learning sa bansa.

“Ito na nga ang masakit at hubad na katotohanan ng remote learning na ipinilit ipatupad sa buong bansa kahit sa mga lugar na wala naman o mababa ang kaso ng Covid19,” pahayag ni Escudero.

“Nakaka-alarma na nga ang estado ng edukasyon bago mag-pandemya, tapos nabiktima naman ang ating mga mag-aaral ng magulong pagpapatupad ng distance learning,” dagdag ng opisyal.

Sinabi ni Escudero na dapat isulong ng gobyerno ang massive investments para sa mas mabilis na network at internet coverage upang maging madali sa mga estudyante ang hybrid learning setup.

“Even as we enter the new normal, expect that distance learning modalities will be here for some time,” diin pa ni Escudero.

“Kaya kailangang mag-invest talaga sa internet connectivity para sa blended future distance learning ng ating mga estudyante. Huwag naman nating iwanan ang mga kabataan,” dagdag pa ng gobernador.

Leave a Reply

%d bloggers like this: