NUMBER CODING UMPISA NA NGAYONG MIYERKULES

NUMBER CODING UMPISA NA NGAYONG MIYERKULES

UMPISA na muli ngayong Miyerkuels ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o ang ‘number coding scheme’ na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mapaluwag ang trapiko tuwing rush hour habang papalapit ang Kapaskuhan.

Ipatutupad ang coding mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes, maliban tuwing holidays.

Ayon sa MMDA Resolution No. 21-30, nabatid sa ginawang survey at pagsusuri sa biyahe ng MMDA Traffic Engineering Center, patungo na ang trapiko sa Metro Manila sa ‘pre-pandemic level’.

Ayon sa datos, nasa 9.66 kilometers per hour na lamang ang travel speed sa northbound portion ng EDSA tuwing rush hour sa hapon kaya kailangang ibalik ang number coding.

Nilinaw kahapon ni MMDA Chairman Benhur Abalos na sakop lamang ng number coding ang mga pribadong behikulo. Ang mga plakang nagtatapos sa 1 at 2 ay sakop ng coding tuwing Lunes, 3 at 4 tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes at 9 at 0 tuwing Biyernes.

Hindi kasama sa coding ang mga pampublikong sasakyan, transport network vehicles services (TNVS), motorsiklo, trak ng basura, trak ng petrolyo, at sasakyang may dalang mga perishable goods.

Tinatayang aabot sa 2,700 behikulo ang mababawas sa EDSA pa lamang sa mga oras ng number coding.

Nabatid na magpapatupad rin ng ‘light truck ban’ sa EDSA. Ipagbabawal na dumaan sa EDSA mula Magallanes sa makati City hanggang North Avenue sa Quezon City ang mga trak mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi mula unes hanggang Biyernes, maliban kung holiday.

Leave a Reply

%d bloggers like this: