LIDER NG KULTO NA GUMAGAHASA NG MGA BIRHEN, KINASUHAN

LIDER NG KULTO NA GUMAGAHASA NG MGA BIRHEN, KINASUHAN

BILANG na ang araw ng isang lider ng umano’y kulto sa bayan ng Asturias sa lalawigan ng Cebu  nang sampahan siya ng tatlong bilang ng kasong panggagahasa ng National Bureau of Investigation (NBI)  dahil sa panghahalay sa kaniyang mga birhen na tagasunod.

Kinilala ni NBI Agent-on-case Agapito Gierran ang suspek na si Teodorico Feriol, alyas “Brod Doring, Master, at Tatay”. Siya ang itinuturong lider ng Higawnon Spiritual Consultation Services na nakabase sa Brgy. San Isidro, ng naturang bayan.

Ayon kay Gierran, unang lumapit sa kanila ang dalawang biktima ni Feriol na nagsampa ng reklamo. Isinalaysay nila na ipinagmamalaki ni Feriol na nakapagpapagaling siya ng iba’t ibang karamdaman at inuutusan ang mga tagasunod na manatili sa kanilang ‘templo’ ng ilang gabi.

Sa naturang mga gabi naganap ang panggagahasa sa mga batang babaeng tagasunod na tinawag ng suspek na “spiritual missions”. Kabilang sa mga babaeng ito ang dalawa na nagreklamo sa NBI na isa sa kanila ang nabuntis.

Sinabi pa ni Gierran na tinatawag ni Feriol ang sarili na “Dios Amahan” at kailangan na may pitong asawang birhen.

Kinasuhan na si Feriol ng tatlong bilang ng Rape sa Cebu Provincial Prosecutors Office at pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.

Nagbabala namana ng NBI sa publiko na suriin munang mabuti ang intensyon ng mga nagpapakilalang lider ng mga grupong relihiyoso at nagpapagaling umano bago sumanib.

Leave a Reply

%d bloggers like this: