POE: DI KATANGGAP-TANGGAP ANG KAPOS NA SUPLAY NG TUBIG SA PANDEMYA

POE: DI KATANGGAP-TANGGAP ANG KAPOS NA SUPLAY NG TUBIG SA PANDEMYA

IGINIIT ni Senador Grace Poe na dapat maging handa ang gobyerno sa pagtugon sa posibilidad ng kakapusan sa suplay ng tubig kasunod ng mga ulat ng bahagyang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.

Sinabi ni Poe na hindi katanggap-tanggap ang kakapusan ng suplay ngayong pandemya, lalo na at ang paghuhugas ng kamay ang isa sa paraan upang maiwasan ang virus.

Kritikal anya ang tuluy-tuloy na serbisyo sa tubig na pangunahing pangangailangan sa lahat ng aspeto ng buhay, kalusugan at kabuhayan.

Idinagdag ni Poe na dapat agad na matugunan ng mga regulators ng pamahalaan at mga pribadong concessionaires ang problema habang nag-uumpisa pa lamang at bago ito tuluyang maging isang krisis.

Kailangan din na makipagtulungan ng bawat bahay at mga industriya bilang mga kapantay na katuwang sa konserbasyon at episyenteng paggamit ng tubig.

“Nararapat na matutukan natin ang implementasyon ng ating pambansang programa sa tubig at mga proyekto, maging ang mga inisyatibo sa paggamit ng ibang pangkukunan ng tubig upang matiyak ang katatagan ng suplay nito. Dapat ay huwag din tayong umasa lamang sa awa ng kalangitan na magbibigay ng ulan o sa mga bagyo,” pahayag ni Poe.

Binigyang-diin pa ni Poe na hindi dapat maging bahagi na ng pamumuhay ang kakulangan sa tubig.

“Umaasa tayo sa reporma sa pamamahala sa tubig at imprastruktura na karapat-dapat matanggap ng mga Pilipino bilang isa pangunahing karapatan ng bawat tao,” dagdag ng senadora.

Leave a Reply

%d bloggers like this: